Hinahanap-hanap ka

Adora Faye de Vera
Hinahanap-hanap ka sa payapang dagat,
Sa bawa't kislot na aking maaninag;
Pinaghahanap ka sa tilamsik ng alat
Sa bula, sa kislap ng bawat lagaslas.

Maging ang buhangin ay pinagtanungan,
Saan aabot ang dalampasigan?
Hapag kainan ba ang paghahandaan,
O kurona't ilaw ang iyong tahanan?

Hahanapin kita sa angil ng punlo,
Sa tinik ng gubat, silahis ng sulo;
Ipagtatanong ka sa libong kamao,
Sa kaway ng bandera't dagundong ng maso.

Hahanapin kita sa luntian bukirin,
Sa ngiti ng sanggol, sa ihip ng hangin;
Kung sa paglaya na ang iyong pagdating
At wala ka roon ay hahanapin pa rin.

Hinahanap hanap ka, hanap ka.